|
[ Translation courtesy of Pinoy Times ] Ganito inilarawan ni Flor Rosario, isang negosyante, ang ginawang
pagsasawalang-bahala sa batas, mga residente at kapaligiran ng JELP Real
Estate Development Corp.
Ang JELP ay nagtatayo ng 36 na 2-palapag na townhouses sa isang ektaryang
lote malapit sa bahay ni Rosario sa Vermont Park Executive Village, isang
middle-class subdivision sa Bgy. Mayamot, Lower Antipolo.
Inirereklamo ni Rosario at ng kanyang mga kapitbahay sa Vermont Park ang
JELP dahil sa tumitinding pagbaha tuwing tag-ulan sa Lower Antipolo ga-wa ng
housing project.
Kapag malakas ang ulan, ang tubig-baha ay abot-hita sa ilang lugar sa
subdivision, ani Rosario. Sa ibang lugar naman, hanggang baywang ang baha,
aniya.
Bago magsimula ang construction, hanggang tuhod lang ang baha, anang mga
residente. Pero dahil ang mga bahay na itinatayo ng JELP ay mas mataas nang
1.5 metro kaysa sa mga bahay sa paligid nito, lumala ang problema.
Maging ang trapik, basura at kalinisan sa Vermont Park ay napasama mula nang
mag-trabaho ang JELP, anang higit isang dosenang residente na nakapanayam
para sa report na ito.
Ang mga reklamo ng mga taga-Vermont Park ay maaaring ibilang sa hinagpis at
problema ng mga nasa siyudad. Ang pagkakaiba lamang, ang kumpanyang
itinuturong sanhi ng pag-baha—ang JELP—ay binubuo nina Pangulong Estrada,
First Lady Luisa "Loi" Ejercito at ang kanilang mga anak, sina Jose
"Jinggoy," Jacqueline at Jude.
Ang JELP at ang mga contractor na nagtatayo ng mga townhouse sa Vermont Park
ay hindi kumuha ng mga permit, clearance at lisensiya na kailangan para sa
itinatayong 36 units ng pabahay na halos malapit nang matapos.
Noong March 1999, inatasan ng Antipolo city government ang JELP na ihinto
ang operasyon nito sa Vermont dahil sa mga nabanggit na paglabag ng batas.
Hindi pinansin ng JELP ang order.
Nang tanungin tungkol dito si San Juan Mayor Jinggoy Estrada, sinabi niyang,
"I know about JELP but I cannot say anything about this (project)."
Sa isang ambush interview sa kanyang opisina sa San Juan noong nakaraang
linggo, ipinaalam ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ)
at ng The Probe Team sa alkalde ang mga reklamo ng taga-Vermont Park.
Pabulyaw na sumagot si Ejercito: "Eh, di mag-complain sila (let them
complain)!"
Tumangging magpa-interview si First Lady, ang treasurer at controlling
stockholder ng JELP. Sinisi naman ni Romeo V. Escalona, ang project engineer
ng JELP sa Antipolo site, ang mga residente na ayaw magbigay ng homeowners'
clearance. Kung walang clearance, hindi makakakuha ng building permit ang
kumpanya, ani Escalona.
Ayon sa mga taga-Vermont Park, lumapit sa kanila si Es-calona noon lamang
isang linggo para humingi ng home-owners' clearance.
Anila, hindi mabigyan ng clearance ang JELP dahil hindi pa sinasagot ng
kumpanya ang notice of violation na ipinadala ng Antipolo city government.
Masama ang loob ng mga nakatira sa Vermont Park. Pakiramdam nila ay naloko
sila.
"He told us that when he developed his property at Vermont Park, he would
help us with the flooding problem," ani Celeste Caragay, isang nurse na
nakatira sa Vermont Park.
Ipinaalala pa ni Ramon Ramos, kapitbahay ni Caragay: "He told us he was
planning to build one-story houses so that the view from our houses would
not be blocked."
Pero di nagtagal at nadismaya ang lahat ng taga-Vermont Park. Noong 1998 at
1999, inumpisahan na ng JELP ang paglilinis at pagpapatambak sa
isang-ektaryang lote na binili nito noong June 1993.
Amoy imburnal ang mga panambak na ginamit sa Antipolo site ng JELP at
isinakay sa mga trak na ang ilan ay may nakasulat pang mula sa local
government ng San Juan.
Minsan, nagreklamo si Rosario sa driver ng truck. Imbes na humingi ng
paumanhin, pinagalitan pa siya ng driver, "Gaga! Hindi mo ba alam kay Erap
ito?"
Noong Enero, nagulat ang mga taga-Vermont Park, Antipolo, nang makita ang
halos 200 trabahador at malalaking trak ng construction materials sa loob ng
subdivision. Unti-unti nilang nakita ang tunay na plano ng JELP—at nabatid
din nilang hindi isinasaalang-alang nito ang kanilang kapakanan.
Kumuha ang JELP ng 13 small- at medium-size contractors para magtayo ng 36
townhouses at isang clubhouse. Ang Ampher Construction and Development
Corp., isa sa mga contractor, ay nakakuha ng kontrata para sa paggawa ng 5
bahay. Sa ilalim ng kontrata ng Ampher sa JELP, dapat umpisahan ang proyekto
sa Enero 12, 2000, at tapusin sa loob ng 120 araw.
Malaking isyu ang proyekto ng JELP sa Antipolo dahil sa mga batas na nilabag
ng kumpanya sa pagpapatayo ng townhouses. Kahit nakaka-perwisyo sa mga
residente, tumanggi ang JELP na kumu-ha ng mga clearance, permit, lisensiya
at iba pang dokumento na kailangan bago masimulan ang construction ng
anumang housing project.
Ang notice of violation na inilabas ng Antipolo city government laban sa
JELP noong Marso 18, 1999, ang unang indikasyon na lumalabag sa batas ang
kumpanya. Ang notice, na pinirmahan ni Mayor Angelito C. Gatlabayan at
Engineer Ignacio Asuncion ng City Planning and Development Office, ay pumuna
sa JELP dahil sa "violation of preliminary approval and locational
clearance/development permit."
Inutusan ng Antipolo city government ang JELP na ihinto ang operasyon
"until further notice or permitted by this office," mag-report sa tanggapan
sa loob ng 3 araw, at isumite ang mga kailangang dokumento.
Batay sa records, isang Conrad Abuan ang tumanggap ng notice noong Marso 19,
1999 para sa JELP. Pero 17 buwan matapos ipalabas ang notice of violation,
walang ipinadalang kinatawan ang JELP sa city hall at hindi rin itinigil ang
construction sa Vermont Park. Ang 36 townhouses ng JELP ay nakatakdang
inagurahan sa susunod na 2 linggo.
Hindi rin kumuha ang JELP ng environmental clearance certificate (ECC) sa
Department of Environment and Natural Resources. Sa ilalim ng batas, ang mga
housing project ay nangangailangan ng ECC.
Sa Antipolo city government, walang nakita ang PCIJ at The Probe Team na
kahit isang building permit na ipinalabas para sa 36 townhouses at
clubhouse na itinatayo sa Vermont Park. Sa ilalim ng batas, kailangan ng
tig-isang permit ang bawat bahay na itinatayo. Wala ring development permit
na inisyu ang Antipolo para sa JELP.
Bago magsimula ang construction ng isang housing project, kailangang kumuha
muna ang developer ng permit na isusumite sa Housing and Land Use Regulatory
Board (HLURB) para makakuha ito ng certificate of registration and license
to sell (CRLS). Hanggang noong nakaraang linggo, walang record ang HLURB na
kumuha ng CRLS ang JELP.
Ang CRLS ay iniisyu oras na matiyak ng developer na 30% ng proyekto ay para
sa common space at 20% naman ay para sa socialized housing. Ang socialized
housing ay maaaring gawin sa pamamagitan ng joint venture—kasama ang local
government para sa pagpapatayo ng low-cost na pabahay o sa pagbili ng
socialized housing bonds na may kaparehong halaga. Walang patunay na sinunod
ng JELP ang mga patakarang ito.
Sa ilalim ng HLURB rules, kailangan ng developer ng ECC, CRLS at development
permits bago makapag-apply sa Land Registration Authority (LRA). Kailangan
ang mga ito para mahati ang mga titulo ng lupa at ibenta ang mga yunit.
Pumayag ang LRA na hatiin ang titulo ng lupa noong Abril. Subalit ayon sa
City Planning and Development Office at ng Engineering Office ng Antipolo,
ito'y labag sa batas.
Isiniwalat ni Magdalena Vergara, assistant chief ng Housing and Land Use
Regulatory Board (HLURB) Licensing Division's Technical Services, na ang
desisyon ng JELP na hati-hatiin ang mga titulo ng lupa ay indikasyon ng
plano ng kumpanya na ibenta ang 36 townhouses na itinatayo sa Vermont Park.
Pero hindi ito puwedeng gawin ng JELP hangga't hindi nakakakuha ang kumpanya
ng certificate of registration and license to sell (CRLS).
Kailangan ng JELP ng CRLS mula sa HLURB para makakuha ng building permit
mula sa city government at makapagsimula ng construction. Bago ang
construction, ang developer ay dapat kumuha muna ng barangay clearance
certificate, homeowners' clearance certificate, environmental clearance
certificate, development permit, water at sanitation permit, tax assessment
and declaration, at tax payment certificate.
Kailangan ding kumuha ng permit at clearance mula sa City Health Office para
sa sanitation at water potability, at sa National Water Resources Board para
sa water diggings sa construction site. Walang record na nakakuha ang JELP
ng mga nabanggit na permit.
Noon lamang mailathala noong Hulyo mula sa isang artikulo ng PCIJ ang
tungkol sa sandamukal na kumpanya ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya saka
lamang nagkandarapang kumilos ang JELP.
Bandang 5 p.m. ng Hulyo 27, natunghayan namin ang isang pulong ng JELP
contractors at ni project engineer Romeo V. Escalona. "O, nabasa n'yo ba
'yung balita tungkol sa mga kumpanya ni Presidente? Nabanggit duon 'yung
JELP. Kaya kailangang ayusin na natin ang ating building permits, kung
hindi malilintikan tayo," anang isang babae sa mga grupo ng mga contractor
sa project site sa Antipolo.
Sinabi ni Escalona sa mga contractor na kailangan na nilang kumuha ng
building permit para sa mga housing unit na ginagawa nila. "Siguro may
makakausap naman sa munisipyo," sabad ng isang lalaki.
Noong Hulyo 28 tatlong aplikasyon sa building permit para sa 3 housing units
ng JELP project ang isinumite sa City Planning and Development Office at sa
Engineering Office ng Antipolo. Ang 2 ay ibinalik sa mga contractor dahil
kulang-kulang ang kanilang dokumento.
Noong Agosto 14, tatlo pang aplikasyon para sa zoning clearance at
development permit ang isinumite sa city government. Natulog lang ang mga
ito dahil sa kakulangan ng mga dokumento o dahil magulo ang nakasaad sa mga
papeles.
Sinabi ni Reynaldo Baltazar, project development officer ng Antipolo, na
kung walang development permit at iba pang kaukulang rekisitos, ang housing
project ng JELP ay maituturing na ilegal.
Dahil patuloy na winawalang-bahala ng JELP ang babala na inisyu ng city
government noong Marso 1999 sa mga paglabag nito sa mga regulasyon, sinabi
ni Baltazar na ang susunod na hakbang ng pamahalaang-Antipolo ay iakyat ang
kaso ng JELP sa HULRB.
Maidedeklara ng HULRB, isang ahensiyang puwedeng umaktong hukuman, ang mga
sumusuway sa batas-pabahay ng paglapastangan sa hukuman. Maaari rin nitong
pagmultahin ang mga lumalabag sa batas at ipaaresto at ipakulong sa pulisya
ang mga nagkasala.
Sinabi ni Peter Ulaybar, city engineer ng Antipolo, na ang pagpapataw ng
multa laban sa JELP ang magagawa muna ng city government.
Aniya, determinado ang Antipolo Engineering Office na ipatupad ang batas,
kahit pa ang makakabangga nito ay kumpanyang pag-aari ng Unang Pamilya.
Pinatawan ng City Engineer's office ang JELP ng 100% patong sa singil sa
fees dahil sa pagkabigo nitong makakuha ng permit sa loob ng takdang
panahon. Tiniyak ni Ulaybar na hindi mareretoke ng JELP ang dokumento upang
palabasing tumalima sila sa mga rekisitos. "Those dates are in the
receipts. You can't change them."
Inamin ni Baltazar na nababagabag ang ilang empleyado sa city hall na
ipatupad ang batas dahil alam nilang isang higante ang kanilang kalaban.
Pero lumalakas ang loob ng mga ito ngayong dapat nang ipatupad ang batas
bunsod ng leksiyon sa trahedya ng Cherry Hills noong isang taon.
Sinabi ni lawyer Noel Parel, bise presidente ng homeoners association, na sa
mga nakikita niyang kabalbalan sa JELP project, ang pinakamatindi ay iyong
bagay na uusig mismo sa Pangulo. "If it's true that JELP has not obtained
permits and clearances, then he has no moral ascendancy to lead and to
enforce the law," ani Parel.
Pag-uusisa pa ng kasamahan ng abogado sa samahan na si Celeste Caragay:
"Eh, sino pa ang tatakbuhan namin ngayon? Presidente na itong kalaban
natin."
H O M E |
who we are | what we do | i on the net | e-community | e-bookshop
|
|