Saligang-batas sinuway ni Erap

POSIBLENG nilabag ni Presidente Estrada ang Konstitusyon at mga batas sa anti-graft dahil hindi pa rin ganap na napuputol ang koneksiyon niya sa JELP Real Estate Development Corp.

Ipinapakita ng rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hinugot lamang ng Presidente ang kanyang puhunan (divestment) sa JELP noong Nob. 20, 1998, o halos 5 buwan matapos maluklok siya sa poder. Walang mahagilap na rekord sa SEC na nagpapatibay na nag-divest sa negosyo ang Pangulo nang mas maaga pa rito.

Wala ring hawak na pruweba ang Civil Service Commission (CSC), ahensiyang tumutugaygay din sa divestment ng mga opisyal ng gobyerno, kung talagang isinuko ng Pangulo ang kanyang mga negosyo, ayon sa tagapangulo nitong si Corazon Alma de Leon.

Kinumpirma ng SEC records na bago mag-Nobyembre 1998 ay hawak pa ni Estrada ang JELP sapul nang ipundar ito noong 1992. Ito ang taon nang gampanan niya ang tungkulin bilang bise presidente. Pero kahit na nag-divest si Estrada, aktibo pa rin ang partisipasyon niya sa real estate business. Sinabi ng mga residente sa isang subdibisyong malapit sa JELP housing project sa Antipolo na nakita mismo ng kanilang mga mata na si Estrada pa ang nagmando sa mga trabahador sa proyekto noong 1997 at 1998.

Regular visitor
Ibinida pa ng project engineer na si Romeo V. Escalona sa mga residente roon na regular silang nagkikita ni Estrada tuwing Biyernes. Noong Agosto 16 sinabi pa ni Escalona sa mga residente na ipinatawag siya para bumisita sa Malacañang. Sa isang panayam ng sumunod na araw, inamin niyang regular siyang kumukonsulta sa mga may-ari ng JELP bagamat tumanggi siyang pangalanan kung sinu-sino ang mga boss nito.

Maaari itong paglabag sa Section 13, Article 7 ng Saligang-Batas. Nakasaad dito na ang Presidente, Bise Presidente at mga miyembro ng Gabinete ay wala nang layang gumanap sa ibang propesyon o lumahok sa anumang klaseng negosyo. Itinatag ang JELP noong Set. 21, 1992, o 3 buwan pagkaraang umupo ni Estrada bilang bise presidente. Ang pangalan ng kumpanya ay batay sa unang mga letra ng mga pangalan ng First Couple—Joseph Estrada at Luisa Pimentel. Bago mag-Nob. 20, 1998, ipinapakita ng SEC records na ang shareholders ng kumpanya ay si Estrada, ang kanyang asawang si Loi at 3 mga anak. Ang pagtatakda ng mga sapi ay sinertipikahan ng corporate secretary ng JELP sa isang notice nito sa SEC noong Marso 5, 1999.

Conflict of interest
Kabilang sa real estate pro-ject ng JELP ay ang konstruk-siyon ng 36 na 2-story houses sa Vermont Park Executive Village sa Bgy. Mayamot, Lower Antipolo. Ang mga bahay ay itinatayo sa halagang P3 milyon bawat isa—o itinatayang P108 million para sa lahat—sa isang ektaryang lote na nabili ng JELP noong 1993. Ang pagpapatag ng lote ay nagsimula noong 1998 at ang konstruksiyon ng mga bahay noong 1999, taong presidente na si Estrada.

Dahil sa proyektong ito, nalalagay si Estrada sa conflict of interest situation. Bilang panimula, ang JELP, gaya ng lahat ng real estate developers, ay kailangang kumuha ng isang certificate of registration and license to sell (CRLS) mula sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), isang ahensiya sa ilalim ng Office of the President. Ang HLURB, na ginawaran ng kapangyarihang tulad ng isang hukuman, ay may tungkulin ding disiplinahin ang real estate developers at hawakan ang mga reklamo laban sa kanila.

Nanganak lamang ng problema ang divestment ni Estrada sa JELP noong Nobyembre 1998. Ipinapakita ng SEC records na inilipat niya ang kanyang 80,000 shares sa JELP na nagkakahalaga ng P8 milyon sa pangalan ng First Lady (60,000) at sa bagong director na si Genoveva de la Fuente (20,000 shares).

Ang anak naman niyang si San Juan Mayor Jose "Jinggoy" Ejercito ay nag-divest din ng 20,000 shares sa JELP para ilipat sa kanyang asawa na si Presentacion Vitug Ejercito, na tumatayong second director ng kumpanya. Ang mga naturang divestment ay maituturing na paglabag pa rin sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials. Sinasabi nitong ang lahat ng public officials ay kailangang mag-divest ng kanilang shareholdings at interes sa pribadong negosyo at korporasyon sa loob ng 60 araw mula sa pag-upo nila sa katungkulan. Ang batas ay garantiya upang maging tapat ang mga opisyal ng gobyerno sa tungkulin sa bayan at hindi magamit ang poder para sa pansariling kapakanan.

Walang laya
Idinidiin sa Code na ang mga opisyal ay walang laya ring isuko ang kanilang negosyo sa kanilang mga asawa at kaanak, malapit man o malayo. Ang batas na ito ay saklaw ang lahat ng opisyal, ayon kay dating senador Rene A.V. Saguisag, isa sa mga awtor ng RA 6713.

Hindi malinaw sa financial statement ng JELP kung saan kumukuha ito ng pondong ibinubuhos sa proyekto. Ang mga bahay ay sinasabing "pre-sold" sa mga kliyente. Hindi rin malaman kung ang loteng kinatitirikan ng mga pabahay ay nakasanla dahil ang mga titulo ng ari-arian ay walang mortgage notices.

Ipinapakita ng financial statement ng JELP na umaasa ang kumpanya ng Presidente sa utang na umaabot ng P102 milyon noong 1997 at P188 milyon noong 1998.

Kung bakit pinili ng mga nagpapautang na magbuhos ng pera sa isang kumpanyang nalulugi at lubog sa utang ay kay daling mahulaan. Ang nakapagtataka pa sa JELP ay regular nitong binabayaran ang mga contractor nito sa pamamagitan ng tseke at paminsan-minsan ay cash.

Batay sa report ng JELP, ang mga lugi nito ay ang mga sumusunod: P1.5 milyon noong 1997 at P7.9 milyon. Sa nalalabing P11 million cash, securities at receivables na hawak ng JELP, mahirap maunawaan kung paano nababayaran ang P190-milyong obligasyon nito.




us your views and comments
about this article.

Google

Web pcij.org

Search our Site
 
       
powered by FreeFind