|
[ Translation courtesy of Pinoy Times ] WALANG ITINAGO si Pangulong Estrada sa taumbayan kaugnay ng kanyang personal
na buhay. Inamin niya ang pagkakaroon ng ilang babae na kanyang inanakan.
Pero hindi gaanong bukas ang Pangulo kapag ang pinag-uusapan ay may
kinalaman sa pinansiyal na aspeto ng kanyang buhay at sa marami at iba-ibang
negosyo ng kanyang sanga-sangang pamilya.
Halimbawa, sa kanyang statements of assets, hindi idineklara ni Estrada ang
kanyang partisipasyon sa 12 kumpanya kung saan siya at ang kanyang asawa, si
Dr. Luisa "Loi" Ejercito, ay major investors at board members. Hindi rin
maliwag sa nasabing asset declarations kung gaano kalaki ang interes ng
Pangulo at ng kanyang mga pamilya sa mga negosyong pinasok nila.
Nakakuha at pinag-aralan ng Philippine Center for Investigative Journalism
(PCIJ) ang corporate records ng 66 kumpanya kung saan si Estrada at ang
kanyang mga asawa at mga anak ay tumatayong incorporators o board members.
Tatlumpu't isa sa mga kumpanyang ito ay itinatag noong bise-presidente pa
lamang si Estrada samantalang 11 naman ang itinayo nang siya ay nasa
Malacañang na.
Hindi kumpleto ang data ng SEC kaya't hindi maliwanag kung gaano na kalaki
ang mga negosyong pinasok ng mga Estrada. Pero base sa 1998 at 1999
financial statements, 14 sa 66 kumpanya ay may assets na nagkakahalaga na ng
higit P600 milyon.
Hindi maliwanag sa asset declarations ni Estrada sa nakaraang 12 taon kung
saan nanggaling ang perang ipinasok ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya sa
66 korporasyon.
Hindi rin sinasabi ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya na karamihan sa
kanilang mga negosyo ay may kinalaman sa gobyerno-sa pagkuha ng mga permit
at clearance o di kaya ay sa paggawad ng mga kontrata.
Ito ay isang importanteng isyu dahil sa marangyang pamumuhay ng
sanga-sangang pamilya ng Pangulo.
Ang dalawa sa kinakasama ni Estrada-sina Laarni Enriquez at Joy Melendrez-ay
nakatira sa first-class subdivisions sa Wack-Wack, Mandaluyong City, at
Green Meadows, Quezon City.
Ang mga bahay na tinutuluyan nina Enriquez at Melendrez ay wala sa pangalan
nila o ng Pangulo.
Ang mga asawa ni Estrada at ang kanyang mga anak ay madalas ding makita na
sakay ng iba't ibang imported at mamahaling kotse, kabilang dito ang Jaguar,
Range Rover at di mabilang na Mercedes Benzes na nagkakahalaga ng milyong
piso bawat isa.
Noong 1999, ang idineklarang net worth ng Pangulo ay P35.8 milyon
samantalang ang net income na nakalagay sa kanyang income tax return ay P2.3
milyon lamang.
Sa Wack-Wack, ang presyo ng lupa ay nagkakahalaga sa kasalukuyan ng P40,000
per square meter. Ang address ng bahay na tinitirahan ni Enriquez simula pa
noong kalagitnaan ng 1990s ay 771 Harvard St. Ang bahay-na nakatirik sa
loteng higit 1,000 square meters-ay nasa pangalan ni Jacinto Ng Sr., isa sa
mga malapit na kaibigan ng Pangulo.
Ang lote pa lamang ng tinitirhan ni Enriquez ay higit P40 milyon na. Ang upa
sa isang bahay sa Wack-Wack ay umaabot ng higit P100,000 kada buwan o P1.2
milyon isang taon-halos kalahati ng idineklarang net income in Estrada noong
1999.
Ang ipinagagawang bahay na may address na 796 Harvard St. ay may 5,000
square meters na lote at nakapangalan sa KB Space Holdings, isang kumpanya
na pag-aari ni Ng.
Sa kaso pa lamang ng bahay na tinitirhan ni Enriquez, maliwanag na ang
opisyal na record ng pag-aari at income tax return ng Pangulo ay hindi
nagbibigay ng tunay na kalagayan ng yaman ng mga Estrada.
Ngunit hindi lamang ito ang problema sa opisyal na deklarasyon ng pinansiyal
na katayuan ng Pangulo.
Bukod dito, kailangan ding magsumite ang mga opisyal ng listahan ng lahat ng
kanilang ari-arian, investments, cash, pera sa bangko, anumang pagkakautang
at lahat ng negosyo na kanilang pinasukan.
Simula nang manalo bilang senador noong 1987, aapat na korporasyon ang
inaamin ni Estrada na pag-aari niya. Ito ay ang JELP Real Estate Development
Corp., J. E. Inc., Feluisa Development Corp. at Felt Food Inc. Ang unang
tatlo ay real estate firms kung saan ang JELP ay ang pinakamalaki.
Sa 1998 financial statement na isinumite sa SEC, ang JELP ay nagdeklara ng
assets na P194.2 milyon-mga building at real estate na nagkakahalaga ng
P147.2 milyon. Ang real estate assets ng JELP noong 1997, base sa financial
statement nito sa SEC, ay P58.8 milyon lamang.
Kahit ang pagkakautang ng JELP na umaabot sa P188 milyon ay hindi rin
inilista sa asset statements ng Pangulo. Malamang na ang inutang ng JELP ay
ginamit na pambili ng real property na nagkakahalaga ng halos P90 milyon
noong 1998 lamang.
Para sa mga pangkaraniwang Pilipino, magandang malaman kung anu-anong
bangko, institusyon o sinu-sinong mga tao ang nagpahiram ng pera kay Estrada
noong eleksiyon.
Binuo noong Nob. 18, 1992, ilang buwan matapos manalo si Estrada bilang bise
presidente, ang JELP ay nag-umpisang tumakbo nang may paid-up capital na
P14.4 milyon-P3 milyon lamang ang cash dito. Hindi alam kung paano napalaki
ng kumpanya ang asset base rito o paano nito napondohan ang pamimili ng
lupain mula 1993 hanggang 1996 dahil hindi nag-file ng financial statement
taun-taon ang JELP tulad ng ipinag-uutos ng SEC.
Noon lamang 1997, isang taon bago kumandidato para sa pagka-presidente si
Estrada, nang biglang mag-file ng financial statements ang JELP. Nang
panahong iyon, iniulat ng kumpanya na may assets na itong nagkakahalagang
P116.3 milyon-kung saan P58.8 milyon dito ay real property.
Makalipas ang isang taon, nang nasa Malacañang na si Estrada, ang assets ng
JELP ay nagkakahalaga na ng P194.2 milyon-tumaas ng P78 milyon kahit pa
nagkaroon ng Asian currency crisis at bumagsak ang presyo ng real estate. Sa
mga assets na ito, P147.2 milyon ay real property
H O M E |
who we are | what we do | i on the net | e-community | e-bookshop
|
|