|
NOONG 1998, nagbuhos ng malaking sosyo ang 29-anyos pa lamang na si Jose
Victor “JV” Ejercito sa bagong tatag na Best World Construction Corp.
Kapatid na kumpanya ito ng BW Resources Corp. na nadawit sa stock
manipulation at insider trading scandal na pumutok noong isang taon.
Bukod kay JV, ang iba pang tagapagtaguyod ng construction firm ay sina
businessman Dante Tan, sentro ng BW scandal; ang abogado ni Tan na si Jose
Salvador M. Rivera Jr.; Francis Ablan na hinirang na BW chairman nitong
taon; at ang Malaysian businessman na si Kenneth Eswaran.
Si Eswaran na kasosyo ni Tan sa samut-saring negosyo ay nagbuhos din ng
malaking puhunan sa isa pang kapatid na kumpanya ng BW, ang Best World
Gaming & Entertainment Corp.
Ipinapakita ng corporate records na ang iba pang shareholders ng Best World
Gaming ay kinabibilangan din nina Tan at Rivera na kapwa ka-partner ni JV sa
Best World Construction.
Noong Disyembre 1998, binasbasan ng Philippine Amusement and Gaming Corp.
(Pagcor) ang Best World Gaming para maglunsad ng nationwide computerized
online bingo gaming sa loob ng 10 taon.
Sa isang congressional hearing noong Marso 1999, inamin ni Pagcor Chair
Alice Reyes na nakopo ng Best World Gaming ang lisensiya sa bingo dahil
"...it had the endorsement of the Office of the President."
Dagdag pa rito, nilagdaan ng Pagcor at ng BW Resources-kaanib ng Best World
Gaming-ang isang memorandum noong Hunyo 30, 1999 na nagpapakitang ookupahan
ng Pagcor ang Sheraton Marina, isang casino, shopping at tourism complex na
itinatayo ng BW sa Malate, Maynila.
Noong 1999, nakautang ang BW at Best World Gaming ng P600-million loan sa
Philippine National Bank na kontrolado ng pamahalaan.
Lumilitaw ngayong nabalewala ang ethics dahil sa agresibong pagtatayo ng mga
negosyo ng mga pamilya ng Pangulo.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni JV na inanyayahan lang siya ni Tan at ng
partners nito na makisosyo sa Best World Construction.
Hirit ni JV: "Since they were family friends, they told me they were going
to put up a development corporation and since I was in real estate and
construction, I said okay, that's in line with my business."
Pero sinabi ni JV na kumalas na siya kay Tan nang atupagin ng BW ang gaming
business at iwanan ang real estate development noong 1998. "I told them I
can't help you, I wouldn't be an asset to you, it wouldn't be good for me
and for my father. It's not nice manipulating stock prices, I even told them
that," ani JV.
Sa kalaunan, hindi umunlad ang Best World Construction, ayon kay JV.
Gayunman, ibinisto ng insidente ang malagkit na ugnayan ng mga miyembro ng
pamilya-Estrada at ilang indibiduwal na nakasambot ng government loans,
contracts at franchises.
Ang ganitong uri ng ugnayan ay di malayong magbunsod ng maaapoy na usapin
tungkol sa conflicts of interest.
Walang ilegal sa maikling pakikipagsosyo ni JV sa BW. Pero ang katotohanang
napadikit si JV sa mga negosyanteng nakatanggap umano ng pabor sa
pama-halaan ay isang pruwebang napaghahalo na ang interes ng negosyo at
pulitika.
Matatandaang inakusahan ni dating Securities and Exchange Commission (SEC)
chairman Perfecto Yasay Jr. ang Presidente ng pakikialam sa pagsisiyasat ng
SEC sa BW at kay Dante Tan na bukod sa business partner ni JV ay matalik na
kaibigan din ni Presidente Estrada.
Iginiit ni JV na hindi kailanman ginamit ng kanyang pamilya ang pangalan ng
Pangulo upang mapalago ang kanilang negosyo. "I don't want shortcuts,"
aniya. "I see to it that everything is done legally. Even my bank loans are
obtained not because of who I am, I want them to lend me because of the
projects I am doing. I don't want them to see me as a political client. It's
actually hard to be the President's son-you can't go into this, you can't go
into that because you're partly a political figure. I just can't wait for
the President's term to finish."
Sa kabila ng pagsasabing nahirapan sila bago makapagtayo ng negosyo,
tiyem-pong tumatatag naman ang mga kumpanyang ipinundar ng iba't ibang
pamilya ni Estrada.
Sa katunayan, ipinapakita ng corporate records na halos di maawat ang mga
asawa at anak ng Pangulo na magpundar pa ng mga korporasyon. Noong Hunyo
1998, nakapagtatag ng 11 korporasyon ang mga ito, isang buwan pagkaraang
mahalal na Pangulo si Estrada.
Karamihan sa mga kumpanya ay may kinala-man sa real estate at entertainment.
H O M E |
who we are | what we do | i on the net | e-community | e-bookshop
|
|