Mga Kasosyo ni Guia Alagad ng Gobyerno

SA ISANG bansang kadalasang isinasalalay ang suwerte ng negosyo sa koneksiyon-pulitikal, ang kasipagan ng mga pamilya ni Presidente Estrada sa kalakalan ay nanatiling kontrobersiyal.

Magandang halimbawa ang ina ni Jose Victor “JV” Ejercito na si Guia Gomez. Dumami ang negosyo ni Gomez kasabay ng pagluklok ni Estrada sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.

Ang lahat, maliban sa isa sa 33 kumpanya kung saan nakalista si Gomez na incorporator, ay itinatag sapul noong 1987 nang mahalal si Estrada bilang senador.

Ang 13 dito ay itinayo habang si Estrada ay namamayagpag sa Senado, 15 noong naging bise presidente siya, at 4 sa unang 2 taong panunung-kulan niya bilang presidente.

Ang pinasukang negosyo ni Gomez ay may kinalaman sa real estate, trading, at environmental impact assessments. Ang mga negosyong ito ay pawang nangangailangan ng mga clearance at permit mula sa gobyerno. Kailangan din ng mga kumpanya na direktang makipagtransaksiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Nalalagay sa alanganin si Gomez dahil karamihan sa kanyang business partners ay hinirang sa mga puwesto sa gobyerno nang maging presidente si Estrada.

Halimbawa, ipinapakita ng datos sa Securities and Exchange Commission (SEC) na sina Gomez at Julius Topacio, assistant secretary sa Department of the Interior and Local Government, ay partners sa 5 kumpanya.

Si Topacio ay siya ring chief accountant ng Pangulo na lumagda sa statement of assets ni Estrada noong 1987.

Noong 1998, itinalaga si Topacio bilang kinatawan ng gobyerno sa board ng Legaspi Oil Co., isang sequestered company.

Sina Topacio at Gomez ay magkasosyo rin sa Meiji Inc., isang kumpanyang binuo noong 1992 at kasalukuyan nagpapatayo ng subdibisyon at pabahay sa Cavite, na dapat ay may permiso at clearance mula sa pamahalaan.

Magkasosyo rin sina Topacio at Gomez sa Paisa Champagne Bar Inc., operator ng mga restaurant na nangangailangan din ng mga permiso mula sa gobyerno. Gayundin, magka-partner sila sa Paisa International Inc., isang trading company; 2 project management firms na WT Partnership Philippines Inc at Wegtec International Corp.; JV& G Inc., isang real estate company; at Powerhouse Staffbuilders International Inc., isang labor recruitment firm.

Isa pang kasosyo ni Gomez sa naturang recruitment firm ay si Rosario G. Yu, dating sekretarya ni tobacco tycoon Lucio Tan. Hinirang din si Yu na presidential assistant noong 1998, at madalas siyang makita sa Malacañang.

Isa pang kontrobersiyal na kaanib sa negosyo ni Gomez ay si Cecilia Ejercito-de Castro na pinsan ni Presidente Estrada.

Si De Castro ay nahirang na presidential assistant noong 1998. Noong 1999, nasabit siya sa P200-million textbook scandal matapos ibulgar ni Education Secretary Andrew Gonzalez na nilapitan siya ni De Castro upang igiit ang agarang pagpapalabas ng pondo para sa mga libro.

May sosyo rin si De Castro sa Meiji Inc., at Xytox Corp., isang trading firm, na kapwa pag-aari ni Gomez.

Isa pang partner ni Gomez partner ay si Talreja Mangharam Shivandas, isang Indian businessman na may-ari ng mga restaurant at VIP lounge sa Ninoy Aquino International Airport.

Si Shivandas din ang responsable sa tangkang pagpapatayo ng restaurant sa loob ng bakuran ng Malacañang. Si Shivandas ay kasosyo rin sa Paisa International Inc.

Kaanib din sa negosyo ni Gomez ang bayaw ng Pangulo na si Raul P. de Guzman na hinirang sa San Miguel Corp. board of directors at itinalagang presidential adviser para sa development administration noong mga unang buwan ng termino ni Estrada.

Noong 1989, kapwa incorporators sina De Guzman at Gomez ng Environmental Primemovers of Asia, Inc., isang kumpanyang nakatuon sa environmental impact studies para sa mga kumpanyang nangangailangan ng environmental clearances mula sa gobyerno.

Noong 1996, nabili ng Woodward-Clyde Philippines ang Environmental Primemovers pero nanatili ang mga puhunan ng mga orihinal na incorporators sa bagong kumpanya.

Kabilang dito ang anak ni De Guzman na si Raul Roberto na nahirang na presidential assistant for environment and water noong 1998 kahit may trabaho pa siya sa environmental firm.

Si Raul Roberto ay kasosyo rin ni Gomez sa 3 iba pang kumpanya-ang Poongsan Precision Phil., Paisa International at Risktrack Inc. gayudin sa Environmental Primemovers.

Ang pagkakahirang kina Gomez at Raul Roberto de Guzman sa Poongsan Philippines, isang subsidiary na pag-aari ng Korean firm na Poongsan Precision Corp., ay sa pangalan lamang pero kuwestiyonable pa rin ito. Ang Poongsan ay gumagawa ng semiconductors at ang pabrika nito ay nasa Clark Special Economic Zone, kaya umuupa ito sa lupain ng gobyerno at nabibiyayaan ng mga insentibo.

Isa pang business associate ni Gomez ay si Jose Fernando B. Camus na partner din niya sa WT Partnership Philippines Inc., isang management at engineering company, at sa Meiji Inc. Hinirang siya sa board ng Bases Conversion Development Authority noong 1998.

Samantala, kasosyo naman ni JV si Rolando Macasaet, pinuno ng Philippine National Construction Corp., na isang korporasyon ng gobyerno na nagpapatakbo ng toll roads, at sa Foremost Credit Resources Inc., isang lending company na binuo noong 1995.

Noong unang 2 taon ni Estrada bilang pangulo, kinakitaan ng sigasig ang mga asawa at mga anak ng Presidente sa pagnenegosyo.

Ang pinakamasipag ay si Gomez at ang kanyang anak na si JV. Itinatag ni Gomez ang 4 na real estate firms noong 1998 at 1999: El Pueblo Builders, Grandmeadows, Inc., EG Properties at Apex Land Inc. Ang kanyang anak ay partner sa 3 sa 4 na kumpanya samantalang ang iba pang mga anak sa labas ni Estrada-sina Joel Eduardo at Ma. Theresa Ejercito-ay may puhunan sa EG Properties.

Sa kanyang pagsisinop, naitayo ni JV ang 3 kumpanya sapul nang maging presidente ang kanyang ama: Aeromax Aircraft Services, Inc., isang carrier para sa koreo at merchandise; Vegas Food Inc., isang restaurant at catering firm; at International Maximum Entertainment, Inc., isang movie, TV and musical production outfit.

Dagdag pa rito, napalago ni JV ang assets ng kanyang construction firm na Buildworth mula P14 million noong 1997 sa P83.3 million noong 1998, ayon sa financial statements na isinumite nito sa SEC.

Samantala, Ang Bayang Makulay Production Inc., isang foundation na itinatag ni JV noong Enero 3, ang siyang magpapalabas ng Philippine version ng Broadway hit na "Miss Saigon."

Kadasalasang binabansagang black sheep, si Jude Estrada, ang pangalawang anak na lalaki ng Pangulo kay Loi, ay hindi nagpakita ng interes sa negosyo bago mahalal ang kanyang ama.

Pero noong 1999, itinatag ni Jude at ng kanyang mga kasama ang 3 kumpanya: Primeval Commodities, Inc., Paragon Security Management and Investigation Services, Inc., at Reach Management Corp.

Bukod dito, itinatag nina Jude, Jinggoy, Jacqueline, Loi at ng kanilang tiyuhing si Jesus Ejercito ang Millennium Cinema noong 1999.

Layunin ng kompanya na mapantayan ang antas ng mga karibal nitong Regal Films at Viva Films sa movie production business.




us your views and comments
about this article.

Google

Web pcij.org

Search our Site
 
       
powered by FreeFind